PINATAY: RADYO BRODKASTER NA NAMAN
PINATAY:
RADYO
BRODKASTER
NA NAMAN
Pinatay kagabi (31 October 2015) ang isang radyo reporter ng DWIZ na si Jose Bernardo.
Tinamaan siya ng dalawang bala sa ulo habang nakatayo sa harap ng isang restoran sa Zabarte Road, Novaliches, Quezon City.
Ang pumatay sa kanya ay isang riding-in-tandem na bigla na lamang lumapit sa kanya habang ang biktima ay nakatayo. Natamaan ng ligaw na bala si Marlon Deonio, ang waiter ng nasabing restoran, at siya ay naihabol sa ospital at kasalukuyang nagpapagaling.
Mukhang walang tigil ang ganitong uri ng pamamaslang sa mga kasapi ng media. May magagawa pa ba? Basahin po ang kabuuan ng aking mga suhestyon sa website na ito.
ANO ANG DAPAT GAWIN?
Pagkatapos ng araw, tanging sarili mo lamang ang iyong totoong kakampi.
Mas marami ng di hamak ang mga pulis kaysa mga mamatay-tao, mga taong walang ibang ginawa kungdi ang kumita sa pamamagitan ng pagpatay. Pero ang katotohanan ng buhay ay paulit-ulit na nagsasabi na hindi mo maasahan ang mga pulis.
May mga kamag-anak ka na handang magpakamatay o pumatay para sa iyo. Pero, hindi naman natin maaasahan na andyan sila lagi sa tabi mo.
Sa totoo lang, kahit sarili mo ay di mo maaasahan. Kahit anong klaseng pag-iingat mo ay marami pa rin ang pagkakataon na ikaw ay malingat.
Ang mga pulis at ang ating Pangulo ng bansa, sino pa man siya, ay sadyang walang magagawa kasi sa karanasan ng buhay lagi na lang sila pumapasok kung tapos na ang patayan at hahanapin na lamang ang salarin: pero, trabaho na paghahanap na sadyang di rin kaya.
Ang pinakamigi ay gumawa ka na lamang ng pansariling galaw na ang pakay ay mababawasan ng malaking bahagi ang mga pagkakataon na ikaw ay pwedeng patayin na walang kalaban-laban.
Isa na po rito ang pagsagawa ng hakbang na hindi mahuhulaan ang iyong galaw.
Tandaan na walang mamamatay-tao na kinontrata na basta papatay na lamang na hindi pa nakilala ng lubus ang mukha ng kinontrata. Ang karanasan ay nagsasabi na tatlong araw ang laging kinakailangan para mailakad ang hakbang na kikilanin ng mabuti ang papatayin.
At kung di ka mababasa, mahirap kang hagilapin at bantayan sa iisang lugar lamang.
Pangalawa, kung mayroon kang pera, kumuha ka na ng dalawa o tatlong bodyguard na nakabuntot lagi kahit saan ka pupunta. Karanasan din ang nagsasabi na hindi pumapatay ang binayarang mamamatay-tao kung may kasamang dalawa o tatlong tao ang target.
Pangatlo, kung may bullet-proof vest ka, isuot mo ito tuwing ikaw ay lalabas mula sa iyong bahay.
Pang-apat, umiba ka ng anyo para di makilala kaagad. Ibig sabihin, kung ikaw ay laging seven-seven ang gupit ng buhok, magpakalbo ka. Kung ikaw ay sumusoot lagi ng ordinaryong damit, magbago ka sa pamamagitan ng pagsuot ng magarang damit. Kung uso sayo ang coat-and-tie, mag-t-shirt ka na ngayon o di kaya kahit anong ordinaryong damit na galing sa ukay-ukay.
Pang-lima, ugaliing may baril ka ring dala at kailangan lagi mong pinapraktis ang iyong baril kahit na dry-firing lang (pagkukunwari na pagbabaril na wala namang labang bala ang magazine). At isasip lagi kung ano ang gagawin kung bubulagain ka na lang na tutukan ng baril at ugaliin din na itanim sa utak kung ano ang gagawin na inakala mo ay makatulong na mailigtas ka.
Pang-anim, lagi nang isaisip na kung tatamaan ka ng bala dahil sa pagiging hindi handa ay mamatay ka naman talaga. Kaya, wag magpahulog sa panic. Tanging ang pagiging mahinahon ang siyang pinakamagaling na kakampi sa sitwasyong ganito.
Pang-pito, ANG PAGIGING HANDA AT HINDI PAGKAHULOG SA PAGKA-PANIC AY SIGUARADING SUSI SA KALIGTASAN SA SAKUNA.
Comments