SISIHIN BA DAPAT SI GRACE POE SA KANYANG NAISULAT SA 2013 COC?

SISIHIN BA DAPAT SI GRACE POE 
SA KANYANG NAISULAT SA 2013 COC?




Si Senator Grace Poe naman ang sumulat sa kanyang Certificate of Candidacy (COC) for Senator noon 2013, tungkol sa kung ilang taon at buwan ang kanyang inilagi sa Pilipinas bilang naninirahan. 

Tama.

Pero, sapat ba na magiging batayan ang sinulat na paninirahan sa COC para sa pagka-Senador para sabihin na siya ay sadyang nagsinungaling sa haba ng kanyang paninirahan at dahil iba ang kanyang sinulat sa COC para sa pagka-Pangulo ngayon ay idiskwalipika na siya? 

Paano naman kung nagkamali siya sa pag-compute o pag-kwenta kung ilang taon at ilang buwan na siyang naninirahan sa Pinas? Kahit nga magaling sa Math ay nagkakamali rin.

Di ba mas higit ang interes ng bayan at mamamayan sa usapin kung sino ang idiskwalipika at sino ang hindi idiskwalipika?

Di ba interes ng bayan at mamamayan kung ano ang kinabukasan nila at alam naman ng lahat na ang kinabukasan ng isang bayan ay dinidiktahan ng kung sino ang mahalal sa pagka-Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senado, Kongresman, Gobernador, Bise-Gobernador, Bokal, Mayor, Bise-Mayor at Konsehales?

Di ba alam naman ng Comelec na si Senator Grace Poe ay isa sa pinakamataas sa survey ng pam-Panguluhan? 

At ang survey na ito na hindi nagbabago sa lahat ng survey na ginawa ay nagpapakita sa biglang tingin na malamang nga na si Grace Poe ang pulso ng bayan at mamamayan?

Ang mga interes na ito ang nagdidikta na huwag gamitin kung ano man ang sinulat ni Grace Poe sa kanyang COC sa pagka-Senador tungkol sa kanyang paninirahan sa Pinas, maliban na lamang kung mapapatunayan na ito nga ang katotohanan base sa iba pang ebidensya. Mas higit ang interes ng bayan at mamamayan kaysa interes ng kumakaso kay Grace Poe na hindi nga naman mga kandidato o kaysa interes ni Grace Poe.

Ako ay maka-Duterte, kaya hindi pwedeng sabihin na bias ako para kay Grace Poe.

Mali po yung iaasa mo lang sa taong kinakasuhan kung ano ang katotohanan.

HALIMBAWA, dahil sa si Grace Poe mismo ang nagsabi noon at ang kanyang sinabi ay kontra sa kanyang interes ngayon, hahayaaan na lang ba natin at susundin ang sinabi nya noon kahit na ikalulugmok nya?

Hahayaan na lang ba natin at wag nang alamin kung may katotohanan ba ang sinabi nya sa kanyang COC sa pagka-Senador noong 2013?

Inuulit ko po. Ang interes po ng katarungan, interes ng bayan at interes ng mamayan ang nakasalang dito. Hindi lamang interes ng kinakasuhan o ng kumakaso o ng Comelec.

Mas higit ang interes ng mamamayan at bayang umaasa sa isang hudikatura ang interes ng katarungan. At ang higit na interes na ito ang dapat silbihan ng mga Comelec Commissioner at hindi ang nakikita sa lumang COC ni Grace Poe.

Hindi komo umamin na si Grace po noong 2013 na iyon ang haba ng kanyang paninirahan sa Pinas ay iyon na yung susundin. 

Gaya ng utos ng Supreme Court sa lahat ng korte na kung alamin ang puno't dulo ng kaso kung ang akusado ay aamin sa salang pinaparusahan ng habambuhay na pagkakulong o kamatayan, ang interes dito na nakakahigit kaysa akusado o umaakusa ay ang interes na siguraduhin na ang Estado makatarungan ang pagpataw ng mabigat na parusa at ito ay hindi nagpapakulong ng habambuhay kung hindi sigurado.

Ganoon din sa usaping eleksyon para sa mataas na posisyon sa bayan. Mas nakakahigit ang interes ng bayan at mamamayan kaysa interes ng kandidato, ng kumakaso laban sa kandidato, at ng bayan at mamamayan na gusto ang pinakamagaling na kandidato na mahalal dahil sa ang mahalal ay siyang magdidikta kung ano ang kinabukasan ng bayan at mamamayan sa susunod na anim na taon.

Sana maunawaan ako.

Comments