TAMA NA LOKOHAN, SOBRA NA, STOP PDAF
WALANG PERANG
BAYANG GASTAHIN
KUNG WALANG BATAS
NA NAG-UUTOS!
PAG DI
PWEDENG GAWING DIREKTA,
DI RIN
PWEDENG GAWIN DI DIREKTA
Tagalogin
ko na para maintindihan ng mga Senador at Kongresman natin. Ito ay pakiwari ko
na mas matalino ako ng di hamak kaysa sinuman sa kanila.
Ang
una, “Walang
perang bayang gastahin kung walang batas na nag-uutos,” ay hango sa
Section 29, Paragraph 1, ng Article VI ng Konstitusyon.
Ang
pangalawa, “Pag di pwedeng gawing direkta, di rin pwedeng gawing di direkta,”
ay hango sa kaisipang pinagtibay ng panahon na mas masarap pakinggan sa Ingles
na nagsasabi, “What cannot be done directly cannot be done indirectly.”
Di
kumpleto ang mga prisipyong ito kung di alam ang isa pang napakadakilang aral ng
karanasan na nagsasabi: “DAPAT HATIIN SA TATLO ANG KAPANGYARIHAN SA PAMAHALAAN
PARA UMIRAL ANG PAGSISITA NG ISA’T-ISA (check and balance) AT MAPANATILI ANG KAAYUSAN
SA PAMAHALAAN.”
Ang
tatlong kapangyarihang pampamahalaan ay: (1) kapangyarihan sa paggawa ng batas;
(2) kapangyarihan sa pagpapatupad ng batas; at (3) kapangyarihan sa pagsasabi
kung ano ang dapat na kahulugan ng mga batas, kung papaano ang paggamit ng batas
sa mga usapin, at kung nalabag ba ang batas.
Para
maisakatuparan ang mithing mabuting pamahalaan, iginagawad ang tatlong
kapangyarihan sa magkaibang tatlong lupon at ang bawat isa ay hindi pwedeng
manghimasok sa isa’t-isa at mang-agaw ng kahit na katiting na kapangyarihan na
nauukol sa iba. Kung sa Ingles, “Vesting
separate powers for each of the three great departments of the powers of governance,
where no one is allowed to grab or interfere with the powers pertaining to the two
others.” Nakasunod ito sa tinatawag na “the Principle of Separation of
Powers.”
Ibig
sabihin, ang teritoryo ng mambabatas ay ang paggagawa ng batas at hindi ito
maaaring dumikta sa tagapatupad ng batas na pinamumunuan ng Pangulo ng bansa o
tagapamagitan na pinamumunuan ng Supreme Court Chief Justice kung may isyu o
usapin sa batas na ginawa.
Hindi
rin pwedeng diktahan ang mga mambabatas kung anong batas ang kanilang gawin, at
ang tanging boss lamang nila ay mga taong naghalal sa kanila dahil kung ayaw na
ng tao sa kanila ay papalitan sila sa susunod na eleksyon o halalan.
Kung
magiging istrikto, ang teritoryo lamang ng mga mambabatas, mga senador at mga
representante ng mga tao sa kada distrito o partylist, ay ang paggagawa lamang
ng batas.
Matapos
nilang gumawa ng batas kung papaano gagastusin ang pera ng bayan, hindi dapat pwedeng
makialam ang mga mambabatas kung papaano ipapatupad ang paggagasta ng pera ng
pamahalan dahil trabaho na ito ng
tagapatupad na kung tawagin ay Ehikutibo o Executive kung sa Ingles.
Kaya,
kung tutuusin, bawal na mabigyan ng kapangyarihan ang mga mambabatas na
magkaroon ng ekslusibong salita kung saan gagastusin ang Pork Barrel o Priority
Development Assistance Fund (PDAF). Ang pagkakaroon nila ng kapangyarihan na
magsabi kung saan gastusin ang PDAF o Pork Barrel ay paghihimasok sa trabaho at
kapangyarihan ng tagapatupad ng batas.
Bawal
din ang binuo ng mambabatas na “Oversight Committee” kung ito ay magdidikta sa
tagapatupad ng batas kung tama ba o mali ang pagpapatupad ng batas. Ang tanging pwedeng gawin lamang ng
Oversight Committee ng Kongreso ay tingnan ang pagpapatupad at gawing aral ang
napupulot na pangyayari para gamitin na magsagawa ulit ng batas para baguhin o
amyendahan o ibasura nang tuluyan ang batas.
Matapos
gawin ang batas, hindi rin pwedeng makialam ang mga mambabatas kung papaano suriin
at uriin ang mga batas na malabo at kung papaano ang kahulugan nito dahil
trabaho na ito ng mga huwes o hurado na pinamumunuan ng Kataastaasang Hukuman,
o Supreme Court sa mas kilalang pangalan, o kung ang paggastos ba ng Ehekutibo
ay naaayon sa batas na ginawa ng mambabatas.
Ngayon,
tingnan natin ang dahilan ng mga mambabatas kung bakit pinaglalaban nila na
hindi labag sa batas at sa pamantayang moral ang pagkakaroon ng PDAF at
pagkakaroon din ng kapangyarihan kung saan gastusin ang PDAF nila.
Sabi
nila na paulit-ulit sa isangdaan taon na ang pagtuturo kung saan gagastusin ang
PDAF ay hindi labag sa batas dahil daw hindi naman ito ibig sabihin na
pagpapatupad. Nagtuturo lamang daw sila
at ang tinukoy na ahensya ang magpapatupad na aktwal. Dagdag pa nila, hindi rin labag sa
Konstitusyon ang pagsabatas ng PDAF na kung tutuusin ay hindi kumpleto dahil
hindi nakasaad kung saan gagastusin ang nakasaad na pondo.
Sa
isipan ng sumulat nito, mali ang dahilan ng mga mambabatas.
Bakit
mali?
Una,
sinabi ng Konstitusyon na walang pera ng kaban ng bayan na gagastahin liban na
lamang sa utos ng batas. At ang utos ay laging klaro at walang butas dapat para
alam ng tagapatupad kung papaano gagastusin at saan gagastusin.
Ang pangalawang dahilan ay taong bayan ang
may-ari ng pera kaya walang karapatan ang nag-iisang mambabatas na magsasabi
kung saan gagastahin ang PDAF niya na pera rin ng taong bayan. Ang batas ng buhay ay hindi maaaring baliin:
kung sino ang may-ari ng pera siya lamang ang tanging may kapangyarihan at
karapatan kung papaano at saan gastusin ang pera niya.
Ngayon,
tandaan na ang gawain o desisyon ng Kongreso ng mambabatas ay magiging batas o boses
o gawa ng taongbayan lamang kung ang gawa o desisyon ay napagkasunduan ayon sa
proseso na nilahad ng tao sa Konstitutusyon na kung tatawagin ay “three
readings” o tatlong proseso sa pagbasa ng panukala at pagboboto para malaman
kung ano ang boses ng pinakamari sa Senado at sa Mababang Kapulungan.
Klaro.
Napaklaro rito ang katotohanan na ang utos ng tao sa Konstitusyon sa mga
senador at kongresman ay ang tanging dapat nilang sundin na pwedeng maging
batas ay hango sa pangkalahatang aksyon o desisyon ng mga kasapi ng Senado at
pangkalahatang aksyon o desisyon ng pangkalahatang kapulungan ng mga
Representante ng bawat distrito o partylist, at ang pangkalahataaang desisyon
ay yaong binoto ng mas nakakaraming mga kasapi nito kung may korum.
Ibig
sabihin, kung iisang kongresman o iisang senador lamang ang magsasabi kung saan
gagamitin ang perang PDAF na nakalaan sa kanya, ang desisyon ng iisang
kongresman o iisang senador ay hindi desisyon ng tao o hindi batas. Ang sinasabing desisyon ng tao ay ang
tinutukoy na batas.
Hindi
ba naintindihan ng mga senador at kongresman ito? O nagbubulagbulagan lamang ang
mga senador at kongresman?
O
dahil tingin ng mga senador at kongresman ay di naman sila kaldagin ng mga tao dahil
hindi naman maintindihan ito ng mga tao kahit pa ang mga abogado sa kanila?
Ibig
sabihin, mas malamang na nagsasamantala lamang ang mga senador o kongresman sa
katotohanan na sadyang malabo sa isipan ng mamamayan kung legal ba o hindi ang bigyan
ng kapangyarihang pagtuturo ng nag-iisang senador o nag-iisang kongresman kung
saan gagastusin ang nakalaang pondo sa kanya.
Kung
titingnan mo ang sistema na ginawa ng mga senador at kongresman sa pagsabatas
na dapat isa sa kanila ay may PDAF, sasabihin nila na hindi naman sila ang
nagpapatupad.
Ito
raw ay dahil pagkatapos nilang ituro kung saan gagastusin, ibang ahensya naman
daw ang magpapatupad ng kanilang itinuro.
Halimbawa, ituro nila na ibili raw ng abono at ang Department of
Agriculture ang magpapatupad.
Sa
madaling sabi, hindi nila direktang pinakialaman kung paano gagastusin ang pera
ng kaban ng bayan na kasama sa batas ng PDAF.
Ito
ang aking sagot sa kanila, lalo na kay Jinggoy, Bong Revilla, Bongbong Marcos
at Enrile: Ang di pwedeng gawing direkta ay di rin pwedeng gawing hindi
direkta. What cannot be done directly
cannot be done indirectly.
Wag
na po kayong mag-maang-maangan na inaakala ninyo ay hindi na alam ng taongbayan
ang diskarteng ito.
Sa
paglabas ng katotohanan na minamanipula pala lamang ang kunwaring pagpapatupad
sa pamamagitan ng DPWH o DOH o DA at ibibigay sa mga peke na mga organisasyong
NGO kung tawagin, alam na po naming mga mangmang na niloko nyo ng mahigit
sampung (10) taon.
At
dahil bistado na ang “indirect” na pamamaraan alam na rin ng tao na inabuso lamang
sa pamaraang kahindik-hindik, tigilan
nyo na po ang Pork Barrel.
Kahit
man sabihin na ayon sa Konstitusyon ang pagtalaga ng batas na magkakaroon ng
PDAF ang bawat kongresman o bawat senador, hindi naman ayon sa Konstitution ang
pagtatalaga ng Kongreso ng isang delegado na magmumula sa kasapi nito para sa
pagtuturo kung saan gamitin ito.
Ang
normal na proseso kung magdelega ang Kongreso ay ang pagtatalaga ng anumang
opisina o opisyal na nasa Ehekutibo o labas sa Kongreso.
Halimbawa,
ang pagdelega ng pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na droga ay ang
pagtatalaga ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na siyang mamamahala
kung papaano lalansagin ang problema ng pagbebenta at paggagamit ng droga. Dito, kumpleto at klaro ang batas sa pagtalaga
sa PDEA na magkaroon ng kapangyarihan sa paglalaban sa ilegal na droga. Hindi na mag-iisip ang PDEA kung alin ang
hulihin at sino ang hindi huhulihin.
Ang
malalim na diwa sa pagtatalaga ng Kongreso sa kung sino ang magpapatupad ng
batas, dapat ay klaro at may limitasyon para wala nang karapatang mamili ang delegado
kung paano ipapatupad ang batas. Ito po
ay dahil sa karapatang pagpili naipanganak ang abuso.
Sa
PDAF, walang limitasyon na klaro ang batas sa pagbubuo ng pondo na ₱70,000,000 sa bawat kongresman at ₱200,000,000 sa bawat senador, sa bawat taon.
Kakaiba
ang batas na ito. Maliban sa pagdelega
sa opisyal na sa kasapi ng Kongreso mismo nanggagaling, wala ring klarong
limitasyon ang batas ng PDAF para hindi na magkakaroon ng karapatang pagpili
ang delegado kung papaano ipatupad ang paggagastos ng PDAF.
Ang
tawag dito sa Ingles ay: “Undue delegation of powers.”
Dahil
sa walang klarong pamantayan at limitasyon ang batas ng PDAF, nagawang paikutin
ang pagpapatupad, maliban sa pagtuturo kung saan gagamitin.
Dahil
dito, pwedeng sabihin na walang batas na sinunod kung saan gastusin at walang
batas na nagsasabi na ang pagpapatupad ay sa pamamagitan ng pagtatalaga ng
isang NGO o pribadong orginsasyon na binuo ng mga kagaya ng mga pekeng NGO ni
Janet Lim-Napoles.
Ang
isa pang nilabag dito, hindi pinagana ang prinsipyo ng Konstitusyon na dapat ay
may “check and balance.” Hindi na nga
nati-check ang kongresman o senador sa paggagastos ng kanyang PDAF dahil sa
butas ng batas na nagbigay sa kanya ng lahat ng kapangyarihan pagpili kung
paano at saan ito gagastahin.
Dagdag
pa nito, nalabag din ang prinsipyo ng separation of powers dahil sa ang
pagpapatupad ng batas ng PDAF ay dapat teritoryo ng Ehekutibo, pero pinapakialaman
ng nag-iisang kongresman o nag-iisang senador.
Isa
pang dakilang prinsipyo ng Konstitusyon na nilabag nito ay ang “Public Office
is a Public Trust.”
Nasisira
ang tiwala ng publiko dahil, sa napatunayan nga, walang sapat na limitasyon ang
batas ng PDAF, at ito ay inabuso.
Dahil
dito, hindi ko maintindihan kung ang ating mga kongresman at senador ay
nagmaang-maangan na lamang at patuloy na ginagawa taon-taon sa General
Appropriations Law o Budget Law ang pagsasabatas ng PDAF.
O di ba, klaro na nilabag ang Konstitusyon?
Utang
na loob!
Stop
PDAF!
Comments