ELEKSYON INIMBENTO PARA SA PAG-IISA, DI SA PAG-AAWAY

ELEKSYON INIMBENTO 
PARA SA PAG-IISA, 
DI SA PAG-AAWAY, 
DI PARA SA PAGHIHIGANTE,
LALONG HINDI PARA SA DAYAAN



Akda ni Berteni "Toto" Cataluña Causing
Member, National Press Club
President, Alab ng Mamamahayag (ALAM)



Hindi sukatan ng tagumpay ang pagkatalo o pagkapanalo. Sa diwang ito nakabase ang aking panulat sa ibaba.

Sa isang kalipunan, pambansa man o pang-maliitan gaya ng halalan ng National Press Club, hindi pwede na walang eleksyon o halalan.

Ang unang layunin ng eleksyon ay para maipatuloy ang buhay ng kalipunan at mananatili itong gumagawa, gumagalaw at tumatanglaw sa lahat ng kasapi.

Matutupad lamang ang mithi ng pagpapatuloy ng buhay ng kalipunan o grupo kung mayroong nagpapatakbo nito. Tanging sa pagpapatakbo ng asosasyon lamang natin masasabi na ang kalipunan ay gumagawa, gumagalaw at tumatanglaw.

Kung ganito ang unang pakay ng halalan, masasabi nating naaabot ito pagkatapos ng eleksyon at nakikita natin na gumagawa, gumagalaw at tumatanglaw nga ang kalipunan, ibang isyu na iyan kung tama ba ang takbo o kung tama ba ang galaw o kung tama ba ang tanglaw.

At pagkatapos ng halalan at ang nagsipanalo ay pumasok na sa kani-kanyang opisina, masasabi natin sa diwa na may pag-iisa kung iisa ang takbo, iisa ang galaw at iisa ang tanglaw ng kalipunan, ibang isyu na rin kung naging masama ang takbo o ang galaw o ang tanglaw.

Dahil dito, masasabi natin na ang pangalawang pakay ng eleksyon ay para sa pag-iisa.

Ngunit, hindi matamis kung ang pag-iisa ay nasa diwa lamang at wala sa gawa.  

Maaatim lamang ang tunay na pag-iisa o ang pag-iisa sa gawa kung ang lahat ng natalo na kandidato o taga-suporta ay tumutulong o nakikiayon sa pagpapatakbo ng kalipunan.  

Itong pagtutulong ng isang natalo ay ginawa ko nang matalo ako ni Marlon Purificacion sa pagka-bise presidente ng National Press Club. Tinanggap at ginalang ko ang lumabas sa bilangan na mas marami ang may gusto sa kanya o mas gusto sya ni Mr. Benny Diaz Antiporda.  

At dahil obligasyon ko na ipaglaban ang kalipunan ng NPC, tumulong ako sa pamamaraang katanggap-tanggap naman sa mga nanalong mga opisyal na pinangungunahan ni NPC President Jerry Sia Yap.  

At dahil dalisay ang aking hangarin para sa NPC, marami po rin akong tulong na ibinigay sa NPC at marami sa mga ginawa ko ay hindi ko na pinaalam sa mga miyembro kung anu-ano ang mga ito.  Ang isa sa mga malaking tulong na aking naibigay sa NPC ay ang maipanalo ang Press Club sa lahat ng kaso na sinampa laban dito at laban sa mga opisyal nito, kasama si Benny at ang dating pangulo na si Roy Carag Mabasa, kapatid ni Percy Lapid na katunggali ngayon ni Benny sa pampanguluhan.

Masasabi nating maaatim ang pag-iisa  at ang lahat na nanalo ay bukas ang palad sa pagtanggap ng tulong o pakikipag-ayon at bukas ang isipan sa paggalang sa mga kumukontra sa pagpipili kung anong hakbang ang dapat gawin.  Ibig pong sabihin, matamis ang pag-iisa kung ang mga nanalo ay hindi aakto na dahil sa sila ang nanalo ay hindi na pakinggan ang mga natalo at pwede nang isulong ang gustong mangyari.

Bagkus, sobrang tamis ng pag-iisa kung ang mga nanalo ay nasa puso at diwa ang pag-aabot ng kamay para kumbinsihin ang mga natalo na ang kalipunang ito ay hindi lamang kalipunan ng mga nanalo kundi lahat ng mga kasapi sa kalipunan, kasama na ang mga natalo.

At nagiging mataas ang respeto sa mga nanalo kung ang mga ito ay nagpapakita ng paggalang sa mga karapatan at kalayaan ng mga natalo at lahat ng mga miyembro kahit kanino man ang mga kasaping ito bumuto sa nakaraang halalan.

Kung pag-iisa pala ang mahalaga sa kalipunan, handa ba ang lahat ng mga tumatakbo na makipag-isa manalo man o matalo?  

Ang tanong na ito ay una kong binabato kay Benny at Percy, na pareho kong kaibigan na naglalaban para sa pagka-pangulo.  

Binabato ko rin ito kay Marlon at Amor Virata, pareho ko ring kaibigan na naghaharap para sa pwestong pangalawang pangulo.  Binabato ko rin ito kay Louie Logarta at Mandy Francisco, pareho kong kaibigan na naglalaban para sa pagka-kalihim.

Binabato ko rin itong tanong na ito para sa mga kaibigan ko na tumatakbo sa pagka-direktor.

Sana, PAG-IISA ANG TEMA SA ISIPAN NG LAHAT NG KANDIDATO.

At lalong magiging banal ang pag-iisa kung ang lahat ng mga kandidato ay tanggap na kasama na sa banal na buhay ang pakikiharap sa panalo o pagkatalo at sa pagiging konkreto ng kaisipang ito ay mangangako sa Diyos ang sinuman na hindi mandadaraya kahit pa man ito ay binibigay ng pagkakataon.

Sana, ang lahat ay nag-iisip na wag magbato ng isyu kung walang katotohanan o walang kinalaman sa pagiging magaling o hindi ng isang kandidato sakaling mahalal.

Natawag ang pansin ko sa mga bato na kuno ang perang P6 million ay nilustay.  Nais kong idiin na hindi po ito totoo.

Nasa tamang landas ang paglaan ng P6 million sa NPC housing project, maging sinuman ang nagmamay-ari ng lupa na pinagtatayuan nito. Ang mahalaga ay maitatayo ang mga bahay at ito naman ay naitatayo at malapit nang matapos ang unang 11 unit. At kung maibenta na ang mga ito sa mga kasapi ng NPC sa pamamagitan ng Pag-Ibig, itatayo na rin ang kasunod na naka-schedule sa Phase II.

Kaya, kung sinuman ang mananalo, sana ay tapusin ang NPC housing project dahil naman sa nakikita naman sa mga litratong inilabas ni Benny na nasusunod naman ang kontrata na ako mismo ang nag-finalize.

Sa totoo lang, nasasaktan ako kung sasabihin na nilustay ang perang P6 million. Ito naman ay dahil sa kasama ako sa nagtapos ng disenyo ng kontrata at isiniguro ko na maayos ang patutunguhan ng proyektong ito at maisisiguro na hindi nalustay ang nasabing pera na nanggaling sa P10 million na pinagbenta na Vicente Manansala mural.

Laging isaisip sana na ang pagkatalo sa eleksyon ay hindi sukatan ng tagumpay o kabiguan.

Mabuhay ang National Press Club!

Comments

Popular Posts